“Ang kultura ay repleksyon ng ekonomya’t pulitika. Ang nangingibabaw na mga pwersa at bagong lumilitaw na mga pwersa sa ekonomya’t pulitika ang nangingibabaw na mga pwersa at bagong lumilitaw na mga pwersa rin sa kultura. Ang nagsasalungatang mga pwersang ito at ang kanilang mga esensyal na kontradiksyon ay nagkakaroon ng mga pang-ideolohiyang porma at depinidong makinarya sa larangan ng kultura.
Sinasaklaw ng kultura ang paraan ng pag-iral at tunguhin ng kaisipan sa pilosopiya, pulitika, ekonomya, syensyang pangkalikasan at panlipunan, sining at literatura, kaalaman sa batas at moralidad. Kabilang sa mga makinarya ng kultura ang mga institusyon, iba’t ibang tipo ng organisasyon at tauhan na nakakonsentra o nag-iispesyalisa sa gawaing pangkultura.
Gayunman, ang kultura ay hindi lamang pang-ideolohiyang repleksyon ng mga kasalukuyang pwersa at kontradiksyon sa ekonomya at pulitika. Ito rin ay akumulasyon ng mga ideya, kostumbre, kaugalian at katulad nito, mula pa noong bago nasulat ang kasaysayan, at nananatili sa kasalukuyang kalagayan hanggat may mga nagdadala at hanggat bahagi ng sikolohiyang panlipunan ng mamamayan.
Ang pangunahing pagtutuunan ng diskusyong ito ay ang paglalahad ng krisis ng kulturang Pilipino kaugnay ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Magpopokus tayo sa nangingibabaw na mga pwersa sa kultura hindi lamang sa pagsasalamin kundi pati sa reaksyon ng mga ito sa mga realidad at tunguhing pulitiko-ekonomiko, at sa proseso, sa pagkontra ng mga ito sa bagong lumilitaw na mga pwersa sa kultura at pagganap ng mga ito sa kanilang reaksyunaryong papel sa krisis ng kultura at lipunang Pilipino.
Magpokus tayo sa nangingibabaw na mga pwersa habang ginagampanan nila ang kanilang anti-nasyunal, anti-syentipiko at anti-mamamayang papel laban sa bagong lumilitaw na mga pwersa ng pambansa, syentipiko at pangmasang kultura.”
Download here: Krisis ng Kulturang Pilipino